Isa na namang pangit na tula tungkol sa’yo

Posted on April 20, 2016

0


Bilang Buwan ng Panitikan ngayon, naisipan kong magsulat naman sa Filipino. Inaamin ko, hindi ako ganun kagaling pagdating sa pagsusulat sa Filipino. Pakiramdam ko mas naipapahayag ko ang damdamin ko kapag Ingles ang ginagamit ko sa pagsusulat. Kung tutuusin, mas mahirap nga naman ang Filipino. Ngunit maiba naman tayo ngayon.

Mas tagos-apdo kapag Filipino ang gagamitin ko ngayon – mas hilaw at magaspang ang dating, sa tingin ko. Ngunit mapa-Ingles man o Filipino, ganun parin naman siguro ang epekto.

Kasi tungkol na naman ito sa ‘yo.

 

Oo, ikaw.

Ikaw na nagmula sa ilang nagdaang kahapon.

Ikaw na unti-unting lumapit sa akin na nananahimik sa sulok ng lipunan.

Ikaw na bumulabog at nagbaklas ng mga dingding nang hindi ko namalayan.

Ikaw na hindi ko mailarawan gamit ang isang tula lamang.

Ikaw na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakikilala.

Ikaw na nasa kabilang dulo ng unibersong ginagalawan ko.

Ikaw.

Tanggap ko namang hanggang tanaw nalang ako eh.

Isipin ko palang, napakaimposible.

Mundo natin, magkaibang magkaiba.

Malaki ang iyo, maliit lang ang akin.

 

Takot akong hanap-hanapin ang mundong iyon.

Takot akong mapahiya sakaling ayaw mo na nandun ako.

Takot ako sa kung anumang katangahan ang ipagawa sakin ng damdamin ko.

Sa totoo lang, takot ako sa’yo.

Kaya hanggang dito na lang ako,

Tulala sa kawalan, nag-aabang sa wala.

Kaya ko naman eh, ‘yung magpatuloy sa buhay ko.

Gumagana naman. Siguro.

Masakit lang isipin na isa pang katulad mo yung napadpad nang sandali sa buhay ko

At hanggang ngayon ramdam na ramdam parin at napapamura nalang ako kasi putangina hindi kita maalis.

Oo, tanggap ko namang hanggang dito lang ako.

Naiinis lang ako isipin na kahit ang maging kaibigan mo hindi ko pa magawa.

Sa totoo lang, nasuswertehan ako sa mga nakakasalamuha mo

Kasi sila kaya kang hiramin habang ako,

Hindi mo man lang makita.

Oo, tanggap ko namang baka wala na talaga eh.

Tanggap ko namang baka may (mga?) ibang babae na nasa tabi mo, nasa puso mo –

Espasyong minsa’y inasam kong mapupunan ko rin.

Madali ka namang makahanap eh,

Noon pa man, madami nang may gusto sa’yo.

Tanggap ko naman.

Sana lang ‘wag ka nilang saktan dahil alam kong napapagod ka na.

Baka nga dahil din sakin kaya pagod at sawa ka na, ewan ko.

Gusto kitang sulatan ng ilang daang “patawad” ngunit baka kulang parin ito.

Siguro masaya na rin ako.

Dahil kahit isang beses lang sa buhay ko, naranasan ko rin ang dahilan kung bakit nagsulat ng tula si Pablo Neruda.

Dahil gaanuman kaliit, nagkaroon din ako ng espasyo sa utak mo –

Utak mong matagal ko nang hinangaan

At hanggang ngayon ay hindi parin maintindihan.

 

Maaaring ito ang huling tulang (?) isusulat ko tungkol sa ‘yo, maaaring hindi.

Baka nga nababasa mo na ito, hindi ko alam.

Sabi nga ni James Reid,

Wala nakong paki, basta, bahala na.

Wala nakong paki kung mapahiya ako.

 

Isa lang naman itong pangit na tula,

Walang pinagkaiba sa iba pang mga pangit na tula,

Ng isa sa mga tigahanga mong nangangarap ng imposible.

Isang tula,

Walang pinagkaiba sa ibang mga tula,

Na puno ng damdaming hindi mailabas sa umaga.

Isang tula,

Walang pinagkaiba sa ibang mga tula,

Ng isang tanggap na ang kawalan ng pag-asa.

Advertisements